Sunday, March 9, 2008

Rodessa “Aiza” Valerio

-----------------------------------------------------------------------------------------------

Rodessa "Aiza" Valerio

Nursing student
Adopted Daughter of OFW, Loyola Corvera:
-- Domestic Helper, IRRI-Los Banos,
--Ivory Coast, Africa, 1999—2003
--Seoul, South Korea, 2003—Present

Ako si Rodessa Valerio na ipinanganak noong Aug.22, 1989 sa Pasig Metro Manila. Ang mga magulang ko ay sila Rolando Valerio at Tomasa Corvera, Meron akong 2 kapatid at ito ay sila Raymond at Rosselle Valerio. Pagkapanganak sa akin ng ina ko, inihabilin niya ako sa tiyahin ko na si Loyola Corvera at sa ninang 'kong si Virginia Gamilla, sa kadahilanang kailangan magtrabaho ang mga magulang ko.


Inalagaan ako ng tiyahin at ninang ko mula noon hanggang sa nagkaisip na ako. Namasukan ang tiyahin ko para may ipangtustus siya sa akin. Pinipilit akong kuhanin ng mga magulang ko pero ayaw kong sumama sa kanila dahil napamahal na ako sa mga nag-alaga sa akin, at ramdam kong hindi ako mahal ng tunay kong mga magulang, hanggang sa dumating yung time na pilit nila akong pinapauwi. Pinilit din akong pauwiin ng tiyahin at ninang ko kasi baka raw hindi ko makita o maramdaman na mahal ako ng mga magulang ko dahil wala ako doon para mapadama nila yung hinahanap ko.

Grade 3 ako noong umuwi ako sa aking tunay na magulang, Doon ako pumasok sa San Nicolas Elem.School. Habang tumatagal lalo kong nararamdaman ang pagiging iba ko sa kanila, Wala akong inisip kundi ang makauwi na sa mga nag-alaga sa akin dahil sa kanila ko lang talaga naramdaman ang pagmamahal na hinahanap ko. Hindi din nagtagal napilitang ibalik ako ng mga magulang ko sa nagalaga sa akin, Nakita at naramdaman nila na hindi ako masaya sa piling nila. Sa awa ng Diyos, nakabalik ako sa tiya at ninang ko at naipagpatuloy ko ang pagaaral ko ng grade 3 sa San Anton Elem.School. Simula noon naging mas masaya ako kasi nasa piling na ako ng mga mahal kong tiyahin at ninang.
May pinapasukang trabaho ang tiya ko noon sa isang organisasyon international. Iniiwan nya ako sa ninang ko, at minsan pagwala akong pasok sinasama nya ako doon. Na-meet ko na din yung amo ng tiya ko at kita kong mababait sila. Noong lumipat sila ng bahay sa ibang bansa (Ivory Coast sa Afrika), napilitang sumama ang tiyahin ko para raw magkaroon ako ng magandang kinabukasan at matustusan at maibigay niya ang mga pangangailangan ko sa buhay. Wala akong nagawa kundi pumayag. Naisip ko din kasi na tama at may punto ang tiya ko. Nakaalis na sya papuntang Ivory Coast, sa una talagang nakakalungkot pero nakapag-adjust naman din ako.

Mahalaga sa akin na umuuwi siya every xmas & new year. Nang sumapit ito at umuwi ang tiya ko, masayang masaya ako dahil nandito siya. Dumating nanaman yung time na aalis muli siya, wala naman akong nagawa kundi ang pumayag. Hanggang gumraduate ako ng grade 6, at nasaksihan ng tiya ko ang aking pagtatapos, Masayang masaya ako dahil nandito sya noon.

Nag High School ako sa Liceo De San Pablo, Doon ko talaga balak pumasok ng High School dahil Catholic School ito at magiging mas malapit ako sa Diyos. Katulad ng nakahiligang gawin ng tiyahin ko, every Xmas at New Year umuuwi siya para magkasama kami. Gumagraduate ako ng High School at napili 'kong course ay ang Nursing, hindi dahil sa pagiging indimand ito sa ngayon, kundi talagang ito ang dati kong gusto at gusto kong makatulong sa mga maysakit. Masaya ako dahil payag ang tiya ko sa napili kong kurso kahit na alam kong isa ito sa pinakamahal na kurso.

Sa tulong ng Diyos at sa pagtitiyaga at pagsisikap ng tiya ko, heto at nakakapagaral ako ng Nursing course sa San Pablo Colleges. Ako ay 3rd year college na sa awa ng Diyos. Hindi biro ang kursong ito at alam ko din na hindi din biro ang bayad dito. Isang taon na lang at gagraduate na ako. Pagnakapass ako sa board exam, agad akong hahanap ng trabaho para makatulong ako sa mga nag-aruga at nagpaaral sakin. Mahirap pala talaga ang mapahiwalay sa mahal mo sa buhay para lang makapagtrabaho sa ibang bansa. Ibang pag-sacrifice ang ginagawa niya o nila para lang may maipadala siya sa atin. Sana makakuha agad ako ng job para ako naman ang makatulong sa mga nagpakahirap sa akin na para makapagaral ako. Susuklian ko lahat ng mga ginagawa nila para sa akin...

 
Web Design by WebToGo Philippines